Wednesday, August 27, 2008

Ang Palaka at ang Uwang




Ang gawang pagmamalabis ay sinsama ng pagkukulang na tikis.

Matahimik at masayang namumuhay sina Palaka, Gagamba at Susuhong sa lugar na iyon nang biglang dumating si Uwang. Hindi lamang matakaw ito sa pagkain ng dahon at maingay ang ugong, ito rin ay sadyang mapanudyo. Kapag pinagbawalan o pinagpagunitaan, ito’y nagbabanta pang manakit o maminsala.

Isang araw, tahimik na nanginginain si Susuhong sa tabi ng sapa nang bigla na lamang siyang suwagin ni Uwang. Nahulog siya sa agos at tinangay siya sa dakong malalim. Mabuti na lamang at nakapangunyapit siya sa isang yagit, kaya nakaahon siya sa pampang.

Minsan naman. Gumawa si Gagamba ng isang napakagandang sapot. Ipinagmalaki niya iyon kna Palaka at Susuhong. Natuwa rin ang dalawa at pinuri si Gagamba. Subalit kinabukasan, nang naghahanap ng makakain si Gagamba, hindi niya alam na winasak na ni Uwang ang kanyang sapot. Gayon na lamang ang kanyang panlulumo habang si Uwang naman ay patudyong nagtatawa.

Si Palaka naman ay sinuwag ni Uwang ng mga sungay nito, isang araw na nagpapahinga siya sa may batuhan. Namaga ang kanyang nguso ng ilang araw. Kaya ang magkakaibigan ay nagpasya isang araw. Hahamunin nila sa isang paligsahan si Uwang. Ang ilalaban nila ay si Palaka.

Payag ako,” sabi ni Uwang nang mabatid ang paligsahan. “Kung kayo ay magwagi, lalayasan ko na ang lugar nai to. Kung ako naman ang magwagi, kayo’y magiging sunud-sunuran sa akin.”

Nagpalutang sila sa isang malapad na dahon sa gitna ng sapa. Mag-uunahan sina Palaka at Uwang sa pagsakay doon.

“Tiyak na ako ang magwawagi,” pagmamalaki ni Uwang dahil alam niyang mabilis niyang maikakampay ang kanyang pakpak.

Sinimulan ang paligsahan. Pumaimbulog pa si Uwang habang si Palaka naman ay mabilis nang glumangoy patungo sa dahon. Mula sa itaas, sumisid si Uwang, patungo sa dahon na inaanod sa gitna ng sapa.

Ngunit nagkasabay sila sa pag-abot sa dahon. Kasabay ng pagsakay dito ni Palaka, dumapo naman si Uwang. Sa bigat nilang dalawa, lumubog ang dahon at kapwa nahulog sila sa tubig. Ang nabiglang si Uwang ay natangay ng agos.

“Tulungan mo ako, Palaka. Hindi ako marunong lumangoy,” pakiusap ni Uwang.

Hindi siya pinansin ni Palaka. Umahon ito sa pampang at sinalubong ng mga kaibigang sina Gagamba at Susuhong.

“Mabuti nga sa kanya,” sabi ni Palaka nang hindi na matanaw si Uwang.

Mula noon, nagbalik na ang katahimikan at kasayahan ng pamumuhay ng tatlo sa pook na iyon.

Alamat ng Lahing Tagalog


    Noong araw ay may dalagang nagngangalang Simang. Napakaganda niya kaya’t maraming binatang nangingibig sa kanya. Halos wala na siyang itulak-kabigin sa mga ito.

Isang araw ay nagpasya si Simang:

“Sinuman sa inyo ang makapagdala sa akin ng isang malaki at buhay na sawa ay pakakasalan ko.” Hindi agad nakasagot ang ga binata. “Sawa? Mahirap humuli ng isang sawa.”

Sa wakas ay tumaya ng binatang si Ilog.

“Mahal kong Simang,” sabi niya. Ang lahat ay gagawin ko para sa iyo.”

Humanga ang lahat sa salitang binitiwan ni Ilog. Nang tumayo at umalis ang binata, ni isa man ay walang nagkalakas ng loob na sumunod.

Matagal na panahon ang nagdaan. Sabik ang lahat na malaman kung ano na ang nangyari kay Ilog. Kakaba-kaba rin si Simang. “Huwag po sanang mapahamak si Ilog,” bulong niya sa sarili. Iyon pala’y mahal na mahal na rin ni Simang ang binata.

Naghiyawan sa saya ang lahat ng bumalik si Ilog. Hawak niyasa isang kamay ang ulo ng nagpupumiglas na sawa habang ang isang kamay ay pumipigil sa buntot nito. Nagpalakpakan ang mga tao.

“Mabuhay si Ilog! Mabuhay!”

Dinala ni Ilog ang sawa kay Simang. “Para sa iyo, mahal ko,” wika niya.

Noon naman ay dalawang sundalong Espanyol ang dumating. Napansin nila ang kaguluhan. Lumapit sila upang mag-usyoso. Ngunit hindi nilanapansin ang pinagkakaguluhang sawa na hawak ni Ilog. Ang napansin nila’y ang kagandahan ni Simang.

Lumapit pa ang mga dayuhan kay Simang. Itinanong nila sa dalaga ang pangalan ng lugar na iyon.

Ngunit hindi sila napansin ni Simang dahil sa buong paghanga itong nakatingin kay Ilog.

Itinaas ni Ilog ang ulo ng sawa saka binitiwan ng isang kamay ang buntot nito. Biglang nilingkis ng sawa si Ilog.

“Eeeek!” sigawni Simang. “Ilog! Tagain mo!” Hinugot ni Ilog ang itak sa kanyang baywang at tinaga ang sawa. Naputol kaagad ang buntot ng sawa. Tumalsik ang masaganang dugo, ngunit tila buhay na gumagalaw-galaw pa ito.

“Eeeek!” muling sigaw ni Simang. “Taga, Ilog! Taga, Ilog!”

Sakabila ng kaguluhang naganap, hindi naalis ang pagkatitig ng mga Espanyol sa dalaga. Muli, tinanong nila si Simang.

Sumigaw si Simang, “Taga, Ilog! Taga, Ilog!”

“Taga, Ilog! Taga-Ilog!” sigaw din ng mga taong nakasaksi sa nangyari kay Ilog.

Nang sumunod na araw ay isinalaysay ng dalawang dayuhan ang tungkol sa magandang dalagang kanilang nakita. Sabi pa ila’y nakita nila ang dalaga sa Taga-Ilog.

Taga-Ilog. Nang lumaon ito ay naging Tagalog.

Alamat ng Kayumangging Filipino



    “Nakakalungkot naman dito sa daigdig! Ano kaya ang mabuti kong gawin?”
wika ni Bathala na noo’y nag-iisa pa lamang namumuhay sa daigdig.

Nilikha ni Bathala ang mga ibon. Isa, dalawa, hanggang nagkaroon ng maraming ibon. “Twit... twit... twit,” ang huni ng mga ibon. Tuwang-tuwa si Bathala.

Hindi nagtagal ay muling nakaramdam ng pagkabagot si Bathala. Naisipan naman niyang gumawa ng mga hayop. “Mee... me... me...,” sabi ng kambing.

“Unga... unga... unga...,” wika ng baka.

“Anong gandang pakinggan ng himig ng mga hayop!: wika ni Bathala.

Nang lumaon ay naisipan niyang lumikha ng tao. “Kailangang lumikha ako ng taong makakausap,” sabi ni Bathala.

Kumuha siya ng luwad. Hinubog niya ito na kawangis niya saka niluto sa hurnuhan. Hindi napakali sa kalalabasan ng kanyang niluluto, kaagad na hinango ito ni Bathala. Anupat naging maputla ang kulay nito. Ito ang pinagmulan ng lahing Puti.

Muli siyang kumuha ng luwa. Hinubog niya ito na kawangis niya saka isinalang sa pugon. Hindi minadali ni Bathala ang pagluluto dahil nais niyang magkakulay ito. Ngunit may katagalan bago niya nahango kaya’t naging itim ang kulay. Ito ang pinagmulan ng lahing Itim.

Muling humubog si Bathala ng luwad. Niluto niya iyon sa pugon. Palibhasa’y pangatlong pagsubok na ito kaya siya’y naging maingat. “Mga anak, halina nga kayo. Samahan ninyo akong bantayan itong niluluto ko,” sabi ni Bathala sa mga nauna niyang nilikha. Tama sa oras ang pagkakahango niya ng ikatlong tao sa pugon kaya hustong-husto ang pagkakaluto nito. Kayumanggi ang naging kulay nito, na pinagmulan ng lahing Filipino.

Alamat ng Unang Lalaki at Babae


Nang ang daigdig ay bata pa, halos isang paraiso ito sa kagandahan. Maraming matitibay at mayayabong na mga puno, makukulay na bulaklak, mga hayop na naglalaro sa palibot-libot.

Ipinasya ni Bathala na magkakaroon ng mga mag-aalaga sa mga ito para manatili silang kasiya-siya. Isang kainitan ng araw sa tuktok ng langit, may narinig na tinig. Nanggaling ito sa loob ng isang punong kawayan.

Maganda: Palabasin ninyo ako! Napakainit dito. Hindi ako makahinga. Matutunaw ako kapag hindi ako nakalabas.

Malakas: Sige. Tulungan mo akong itulak itong nagkukulong sa atin. Hindi ko kaya ito nang nag-iisa.

Biglang nabiyak ang kawayan at nakalabas sina Maganda at Malakas. Natakot sa nakita ang mga hayop at naglayuan sila.

Maganda: Ang ganda pala dito! Mabuti na lang at nakalabas tayo.

Malakas: Oo nga. Hindi na tayo magkasiyang dalawa sa loob ng kawayan. Maganda dito at kay luwag-luwag pa.

Nagpagala-gala sila sa kahuyan. Pinagmasdan ang mga bulaklak, halaman, ang langit at mga hayop sa paligid.

Maganda: Iyon si Ibong Hari. Atin siyang kausapin.

Malakas: Ikaw ba ay inutusan ni Bathala para magsabi sa amin ng mga dapat naming gawin?

Ibong Hari: Tama ka. Sasamahan ko kayo para makita ninyo ang lahat ng aalagaan ninyo. Lahat na ito ay kaloob niya sa inyo, ngunit dapat ninyong ingatan.

Sina Malakas at Maganda nga ang naging unang Filipino at Filipina, at ang buong Pilipinas ay ibinigay sa kanila upang mapaganda at lalong maalagaan.

Ang Pinagmulan ng Sansinukob at Lahi


Isinulat ni "Rosario P. Nem Singh"

Noon daw kauna-unahang panahon ay walang anumang bagay sa daigdig kundi langit at dagat lamang. Ang bathala ng langit ay si Kaptan. Ang bathala ng dagat ay si Magwayen.

Si Kaptan ay may isang anak na lalake- si Lihangin. Si Magwayen naman ay may isang anak na babae- si Lidagat. Pinagpakasal ng dalawang bathala ang kanilang mga anak at sila’y nagkaanak naman ng apat na lalake- sina Likalibutan, Ladlaw, Libulan, at Lisuga.

Nang lumaki ang mga bata, si Likalibutan ay naghangad na maging hari na sansinukob at ito’y ipinagtapat niya kina Ladlaw at Libulan. Wala pa noon si Lisuga. Ppagkat takot noon sina Ladlaw at Libulan kay Likalibutan ay sumama sila rito sa sapilitang pagbubukas ng pinto ng langit. Galit na galit si Kaptan. Inalpasan ni Kaptan ang mga kulog upang ihampas sa mga manghihimagsik. Nang tamaan ng kidlat, naging bilog na parang bola sina Libulan at Ladlaw, ngunit ang katawan ni Likalibutan ay nagkadurog- durog at nangalat sa karagatan.

Nang magbalik si Lisuga ay hinanap niya ang kanyang mga kapatid. Nagpunta siya sa langit. Pagkakita sa kanya ni Kaptan ay pinatamaan siya agad ng isang kulog. Ang katawan ni Lisuga ay nahati at lumagpak sa ibabaw ng mga pirapirasong katawan ni Likalibutan.

Tinawag ni Kaptan si Magwayen at sinisi sa pagkapanghimasok ng mga anak,ngunit sinabi ni Magwayen na hindi niya alam ang nangyari pagkat siya’y natutulog. Nang humupa ang galit ni Kaptan, sila ni Magwayen ay nagiliw sa apat na apo. Kaya, pagkaraan ng di matagal na panahon ay binuhay uli ni Kaptan ang mga pinarusahan. Si Ladlaw ay ginawang adlaw[araw], si Libulan ay naging bulan[buwan]. Si Likalibutan ay tinubuan ng mga halaman at naging sanlibutan. Ang kalahati ng katawan ni Lisuga ay naging silalak (lalake) at ang kalahati naman ay naging sibabay (babae), ang unang lalaki at babae ng daigdig.

Friday, August 15, 2008

Mga Kasabihan at Salawikaing Pilipino

Yaman ng ating lahi ang mga kasabihan at kawikaang nagsasaad ng ating karanasan.

Ang salawikain o kasabihan ay hindi katha ninuman, kundi karunungang nagpasalin-salin sa mga labi mula noong kauna-unahang panahon magpahanggang ngayon. Naging bunga ito ng daan-daang taong karanasan ng mga Pilipino, at pinagyaman naman ng ilang mapagmahal sa sining at karunungang ito.

Ang mga salawikain o kasabihan ay mga aral na patula; may sukat at tugma, may talinghaga.

Ang ating mga salawikain ay hiyas hindi lamang ng ating panitikan kundi ng ating unang kalinangan. Hindi rin maikakailang ang mga ito’y sukat ding pagkakilanlan ng ating karanasan.

Ang lihim na katapangan

Siyangpinakikinabangan.


Ang pag-ibig sa kaaway

Ang tunay na katapangan.


Ang lalaking mapangahas

Asahan mo’t siyang duwag.

Pag sa harapan ay nalantad

Una-unahang tumitiplad.


Ang di-lamang natitiis

Ay ang di pa sumasapit.


Ang bahay mo man ay bato,

Kung nakatira’ kuwago,

Mabuti pa ang sa kubo,

Na ang nakatira’y tao.


Ang hanap ni Bathala

Hindi ang salita kundi ang gawa.


Ang maniwala sa sabi-sabi

Walang bait sa sarili.


Kaya matibay ang walis

Ay sapagkat nabibigkis.


Iwasto ang kamalian

Sa halip na tawanan.


Anak na di paluhain

Ina ang patatangisin.


Ang naglalakad ng matulin

Kung matinikay malalim.


Ang pag-aanak ay walang kabuluhan,

Kung alalabuyin lamang.


Batong buhay man sakdal ng tigas

Sa ulang tikatik pilit naaagnas.


Ang taong matiyaga

Nagkakamit ng biyaya.


Ang nagtitiis ng hirap

May ginhawang pinapangarap.


Ang anumang iyong gawin

Makapito mong iisipin;

Naisip mo nang magaling

Kung minsan nga’y mali pa rin.


Ang maagap na paghahanda

Nalalayo sa sakuna.


Ang sa iba’y ginawa mo

Siya ring gagawin sa iyo.


Ang taong mabait walang nagagalit;

Ang taong masama walang natutuwa.


Ang kasipagan ay kapatid ng kayamanan;

Ang katamaran ay apatid ng kagutuman.


Wednesday, August 13, 2008

ANG ASO AT ANG PUSA


Isang araw, ang Aso ay nakahuli ng isang ibon. Samantalang pinagpapasasaan niya iyon, isang munting buto ang nahalang sa kanyang lalamunan. Hindi niya maalis ang bikig na napakasakit. Sa matinding paghihirap ay napahalinghing nang ubod-lakas.

Tumakbo siya kung saan-saan upang humanap ng makapag-aalis ng kanyang bikig. Parang nagmamakaawang ipinangangako niya sa kaninumang mahilingan ng tulong na ibibigay niya ang anumang mayroon siya sa makaaalis ng kaniyang bikig at tinik sa kanyang lalamunan.

Tumihaya na ang Aso at ibinuka ang kaniyang bunganga. Ipinasok naman ng Pusa ang kaniyang ulo hanggang sa liig ng aso upang alisin ang bikig.

Pagkabunot ng bikig, ang Pusa ay nagsalita.

“Ibigay mo na ang aking gantimpala.”

Umangil ang Aso. Inilabas niya ang matatalim na pangil. “Magpasalamat ka, at naipasok mo ang iyong ulo sa aking bunganga at nailabas mo pa rin nang hindi ka napahamak”, wika ng Aso na wari pang nanunumbat.

GINTONG ARAL MULA SA PABULANG ITO:

Nararapat lamang na tuparin natin ang ating ipinangako at nang sa gayon ay igalang tayo ng ibang tao.

SALAWIKAIN MULA SA PABULANG ITO:

Ang taong sinungaling dapat maging matandain; sa nilubid niyang daing siya’y mahahalata rin.

Pag pinatulan mo ang munting kaaway malamang na ikaw pa ang masaktan.

Sa taong may hiya, salita’y panunumpa.

An utang na loob magpakaliit man, utang at utang din kahit mabayaran, sa pakitang loob at tapat na damay ay walang salaping sukat maitimbang.

Hindi mo dapat asahan ang pangako ng kaaway.