“Nakakalungkot naman dito sa daigdig! Ano kaya ang mabuti kong gawin?” wika ni Bathala na noo’y nag-iisa pa lamang namumuhay sa daigdig.
Nilikha ni Bathala ang mga ibon. Isa, dalawa, hanggang nagkaroon ng maraming ibon. “Twit... twit... twit,” ang huni ng mga ibon. Tuwang-tuwa si Bathala.
Hindi nagtagal ay muling nakaramdam ng pagkabagot si Bathala. Naisipan naman niyang gumawa ng mga hayop. “Mee... me... me...,” sabi ng kambing.
“Unga... unga... unga...,” wika ng baka.
“Anong gandang pakinggan ng himig ng mga hayop!: wika ni Bathala.
Nang lumaon ay naisipan niyang lumikha ng tao. “Kailangang lumikha ako ng taong makakausap,” sabi ni Bathala.
Kumuha siya ng luwad. Hinubog niya ito na kawangis niya saka niluto sa hurnuhan. Hindi napakali sa kalalabasan ng kanyang niluluto, kaagad na hinango ito ni Bathala. Anupat naging maputla ang kulay nito. Ito ang pinagmulan ng lahing Puti.
Muli siyang kumuha ng luwa. Hinubog niya ito na kawangis niya saka isinalang sa pugon. Hindi minadali ni Bathala ang pagluluto dahil nais niyang magkakulay ito. Ngunit may katagalan bago niya nahango kaya’t naging itim ang kulay. Ito ang pinagmulan ng lahing Itim.
Muling humubog si Bathala ng luwad. Niluto niya iyon sa pugon. Palibhasa’y pangatlong pagsubok na ito kaya siya’y naging maingat. “Mga anak, halina nga kayo. Samahan ninyo akong bantayan itong niluluto ko,” sabi ni Bathala sa mga nauna niyang nilikha. Tama sa oras ang pagkakahango niya ng ikatlong tao sa pugon kaya hustong-husto ang pagkakaluto nito. Kayumanggi ang naging kulay nito, na pinagmulan ng lahing Filipino.
No comments:
Post a Comment