Wednesday, August 27, 2008

Alamat ng Lahing Tagalog


    Noong araw ay may dalagang nagngangalang Simang. Napakaganda niya kaya’t maraming binatang nangingibig sa kanya. Halos wala na siyang itulak-kabigin sa mga ito.

Isang araw ay nagpasya si Simang:

“Sinuman sa inyo ang makapagdala sa akin ng isang malaki at buhay na sawa ay pakakasalan ko.” Hindi agad nakasagot ang ga binata. “Sawa? Mahirap humuli ng isang sawa.”

Sa wakas ay tumaya ng binatang si Ilog.

“Mahal kong Simang,” sabi niya. Ang lahat ay gagawin ko para sa iyo.”

Humanga ang lahat sa salitang binitiwan ni Ilog. Nang tumayo at umalis ang binata, ni isa man ay walang nagkalakas ng loob na sumunod.

Matagal na panahon ang nagdaan. Sabik ang lahat na malaman kung ano na ang nangyari kay Ilog. Kakaba-kaba rin si Simang. “Huwag po sanang mapahamak si Ilog,” bulong niya sa sarili. Iyon pala’y mahal na mahal na rin ni Simang ang binata.

Naghiyawan sa saya ang lahat ng bumalik si Ilog. Hawak niyasa isang kamay ang ulo ng nagpupumiglas na sawa habang ang isang kamay ay pumipigil sa buntot nito. Nagpalakpakan ang mga tao.

“Mabuhay si Ilog! Mabuhay!”

Dinala ni Ilog ang sawa kay Simang. “Para sa iyo, mahal ko,” wika niya.

Noon naman ay dalawang sundalong Espanyol ang dumating. Napansin nila ang kaguluhan. Lumapit sila upang mag-usyoso. Ngunit hindi nilanapansin ang pinagkakaguluhang sawa na hawak ni Ilog. Ang napansin nila’y ang kagandahan ni Simang.

Lumapit pa ang mga dayuhan kay Simang. Itinanong nila sa dalaga ang pangalan ng lugar na iyon.

Ngunit hindi sila napansin ni Simang dahil sa buong paghanga itong nakatingin kay Ilog.

Itinaas ni Ilog ang ulo ng sawa saka binitiwan ng isang kamay ang buntot nito. Biglang nilingkis ng sawa si Ilog.

“Eeeek!” sigawni Simang. “Ilog! Tagain mo!” Hinugot ni Ilog ang itak sa kanyang baywang at tinaga ang sawa. Naputol kaagad ang buntot ng sawa. Tumalsik ang masaganang dugo, ngunit tila buhay na gumagalaw-galaw pa ito.

“Eeeek!” muling sigaw ni Simang. “Taga, Ilog! Taga, Ilog!”

Sakabila ng kaguluhang naganap, hindi naalis ang pagkatitig ng mga Espanyol sa dalaga. Muli, tinanong nila si Simang.

Sumigaw si Simang, “Taga, Ilog! Taga, Ilog!”

“Taga, Ilog! Taga-Ilog!” sigaw din ng mga taong nakasaksi sa nangyari kay Ilog.

Nang sumunod na araw ay isinalaysay ng dalawang dayuhan ang tungkol sa magandang dalagang kanilang nakita. Sabi pa ila’y nakita nila ang dalaga sa Taga-Ilog.

Taga-Ilog. Nang lumaon ito ay naging Tagalog.

2 comments: