Thursday, August 25, 2011

Ang Uod, Ang Higad at Ang Linta



"Huwag ugaliing manghamak ng kakayahan ng iyong kapwa,
Bagkus ay iyong respetuhin at igalang."

Nakatira sa ilalim ng dahon ang isang uod at nakatira rin sa isang dahon sa kabilang puno ang isang higad.

Nagkasalubong ang dalawang ito isang hapon.

"Kaibigang Higad," ang sabi ni Uod. "Tayo nga'y maghabulan at nang ating makita kung sino sa atin ang higit na matuling gumapang." "Iyon lamang pala," agad na sagot ni Higad. "Makikita mo rin ang tulin ko ngayon."

Pinahaba ng mayabang na Higad ang kanyang mabalahibong katawan.

Di pa sila nag-uumpisa sa pagkakarera nang sa darating ang kaibigan nilang Linta.

"Aha! Mabuti't dumating ka, Kaibigang Linta. Kailangan ka namin ni Higad,
" ang bungad ni Uod. "Magpapaligsahan kaming dalawa upang malaman kung sino sa amin ang higit na mabilis gumapang."

"Aba, tila maganda ang inyong hamunan
," sagot ni Linta. "Ako rin ay makikipagkarera sa inyo."
"Kaibigang Linta, tila hindi mo kaya ang gawaing ito. Hindi ka mananalo sa amin. Kaya't taga-hatol ka na lamang," paalala ni Higad.

Natuwa si Uod sapagkat aniya sa sarili, dalawa raw ang kaniyang matatalo sa labanang iyon.

Sa madaling panahon, nag-umpisa na ang magkakaibigan. Nagpaiktad-iktad si higad at nagpahaba naman ng katawan si Uod. Si Linta ay piliy na iniuunat ang katawan ngunit ito'y talagang walang panama sa dalawa niyang kalaban.

Walang anu-ano'y may nagdaang isang matandang babae na nakasaya.

Huminto siya't nagpahinga at sa ganitong paraan kumabit si Linta sa kanyang saya. Pagkaraan ng ilang sandali, lumakad na muli ang matanda patungo sa isang batong malaki na hantungan ng kanilang pagkakarera. Talagang masuwerte si Linta sapagkat noong makita ng matanda ang bato, siya ay biglang umupo rito. Dali-daling umalis si Linta sa pagkakakabit sa saya ng matanda. Mabilis siyang umalis sa kinalalagyan ng matanda at walang anu-ano ay nakita niyang dumating sina Higad at Uod.

"Ano ang ginawa mo at nauna ka pa sa aming dalawa?" nagtatakang tanong nina Higad at Uod. "Ikaw pala ay may itinatagong galing!"

Natawa na lamang sa kanyang sarili si Linta at ito ang nasabi. "Matalino man daw ang matsing ay napaglalalangan din."

1 comment:

  1. oo nga, wag nating laitin ang ating kapwa. dapat marunong tayong umunawa at dapat tayo ay magiging mapagparaya sa ating kapwa. dahil lahat tayo ay nilalang ng poong maykapal. kung ano tayo at kung anong meron tayo ay ganoon din sila, samakatwid no racial discrimination.

    ReplyDelete