Wednesday, August 24, 2011

Ang Magkaibigang Isda



"Ang nakikinig sa saway at payo ng mga nakatatanda ay napapabuti,
Nguint ang mapangahas ay kadalasa'y nasasadlak."

Ang karagatan ay punung-puno ng maraming kasaysayan. Ang kasaysayang ito na mababasa mo ay nahahalintulad din sa kasaysayang maaaring mangyari sa lupa. Ating tunghayan at alamin ang kanilang pagkakahalintulad.

Noong isang panahon sa isang maliit na ilog na dumadaloy sa karagatang Pasipiko ay may tatlong isda. Ang pinakamaliit ay punung-puno ng sigla na hindi siya mapipigilang lumangoy hanggang sa pinakamalayong bahagi ng ilog nang nag-iisa.

Isang araw ay sumapit siya sa bahagi ng ilog na dumadaloy sa bibig ng dagat.

Ang lawak pala ng mundo,” wika niya sa sarili. "Ang akala ko’y napakalaki na ng ilog na tinitirhan namin.”

Nagmamadaling bumalik ang maliit na isda sa ilog at nakatagpo niya ang dalawa niyang kasamahan.

Nais kong tingnan ang buhay sa karagatan. Mukhang napakarami kung matutuhan sa kalawakan nito,” ang sabi ng maliit na isda.

Mapanganib pumunta doon,” wika ng malaki at marunong na isda. “Higit na ligtas ka rito laban sa mga mangingisda sa dagat,” ang dugtong pa nito.

Ngunit palayo na ang isdang maliit.

Huwag kayong mag-alaala,” sambit niya. “Di ako matatagal. Babalik din ako dito sa atin.”

Pagsapit niya sa bunganga ng dagat ay mabilis siyang naanod ng hugos ng tubig.

Ang laki pala talaga nitong karagatan. Ni wala akong makitang mga batong malalaki, di tulad sa aming ilog.”

Boom! Boom!” ang narinig niyang tunog sa malayong dako.

Ano kaya iyon?” nagtatakang wika niya.

Lumangoy siyang patungo roon. Ngunit nahinto siya at nakita niyang maraming maliliit pang isda kaysa kanya ang lumulutang sa tubig. Kung hindi hilo ay malamang na patay na ang mga ito.

Pabalik na siya sa ilog. “Ayaw ko na yatang magpatuloy pa,” wika niya. “Mukhang mapanganib nga rito.”

Ngunit hindi siya makapagpatuloy. Siya ay dala-dala ng lambat ng isang mangingisda.

Noon lumabas ng dalawa niyang kaibigan. Lumukso ang mga ito sa tubig at nagpakita sa mangingisda.

Ang lalaki ng mga isdang iyon!” ang sabi niya ay sabay angat ng lambat upang sila naman ang hulihin.
Nakawala ang maliit na isda at ang dalawang kaibigan niyang isda’y mabilis ding lumangoy kasama niyang pabalik sa ilog.

Salamat, mga kaibigan,” wika ng maliit na isda.” Kung hindi sa tulong ninyo marahil ay wala na ako.”

“Lihim kaming sumunod sa iyo,” wika ng isa.

May narinig akong mga putok at nakita kong maraming mga isda ang naglutang sa tubig. Ano ba iyon?” tanong niya.

Ah, iyon ay mga putok ng dinamita. Ginagamit ng ilang masasamang mangingisda iyon upang mapadali ang paghuli nila ng isda,” wika ng malaking isda.

Naniniwala ka na ba sa amin? Ang lugar na kinalakhan mo ay tahimik at maraming kaginhawaang maibibigay sa iyo,” wika niya.

Ang panganib ay di gaano at marami tayong magtutulungan,” sagot ng kasama niya.

Hindi na ako lalayo dito. Pakikinggan ko ang payo ninyo at salamat na muli mga kaibigan.

At patuloy siyang lumangoy sa malamig na tubig ng ilog.

No comments:

Post a Comment