Sunday, August 28, 2011

Alamat ng Bulkang Mayon


Ang kwentong ito ay nangyari sa Bicol. May isang pinuno roong ang pangalan ay Raha Karawen. Siya ay may anak na napakaganda. Ito ay si Daraga. Mahal na mahal ng raha ang kaisa-isang anak. Ang kagandahan ni Daraga ay napapabalita rin sa iba't-ibang lupain.

May isang masugid na manliligaw si Daraga. Ito ay si Kawen. Ginagawa niya ang lahat para mapaibig lang niya ang dalaga. Kahit ano ang gawin ni Kawen, hindi siya makuhang ibigin ni Daraga sapagkat may iniibig na itong iba. Ito ay si Mayun. Siya ay nakatira sa ibang lupain.

Nalaman ni Raha Karawen ang tungkol sa mga mangingibig ng kanyang anak. Maayos niyang kinausap ang mga ito.

"Kailangang ipakita muna ninyo sa akin na kayo ay karapat-dapat sa pag-ibig ng aking anak. Magsisilbi kayo sa akin," ang sabi ni Raha Karawen.

Hindi nagustuhan ni Kawen ang sinabi ng raha. Ayaw niyan magsilbi dahil siya ay anak din ng isang raha. Gumawa siya ng paraan para mapasakanya si Daraga. Tumawag siya ng mga kawal at marahas niyang ipinadukot ito. Itinago nila si Daraga.

Nakarating ang balita kay Raha Karawen pati na rin sa binatang si Mayun. Nang matagpuan ni Mayun ang kinalalagyan ni Daraga ay matapang siyang nakipaglaban upang mabawi ito. Takot na takot na yumakap si Daraga kay Mayun. Subalit tinamaan sila ng palaso ni Kawen. Doon na namatay ang nag-iibigang sina Mayun at Daraga.

At lumipas ang maraming taon, sumulpot ang magandang bulkan sa lugar na kinamatayan nina Mayun at Daraga. Ito ay tinawag na Bulkang Mayon. Ang kagandahan ng bulkan ang nagpapakita ng kagandahang loob nina Mayun at Daraga.


2 comments:

  1. ano poh ba ang dalawang paraan ng panliligaw ng mga binata sa alamat???

    ..i need the answer na poh talaga!!! :)

    ReplyDelete