Sunday, August 28, 2011

Oo Nga't Pagong



Alam kong batid mo na ang kwento ng pagong at matsing na nakapulot ng punong saging. Natapos ang kwento nang itapon ng hangal na matsing ang pagong sa ilog. Hindi ba't malaking kahangalan iyon? Pero hindi doon natapos ang kwento. Ganito iyon.

Matagal-tagal ding hindi umahon ang pagong. Natatakot kasi siyang muling magkita sila ni matsing. Nang inaakala niyang matagal nang panahon ang lumipas, naglakas-loob siyang umahon sa ilog at maglakad-lakad naman sa dalampasigan.

Nakarating si Pagong sa isang taniman ng mga sili. Marahang-marahang naglalakad si Pagong sa paligid ng taniman. Natutuwang minamasdan ni Pagong ang mga puno ng sili na hitik na hitik sa bungang pulang-pula dahil sa kahinugan. Wiling-wili siya sa panonood sa mga mapupulang sili at hindi niya namalayan ang paglapit ni matsing.

"Aha! Nahuli rin kita! Hindi ka na makaliligtas ngayon sa akin," ang sabi ni Matsing sabay sunggab sa nagulat na pagong. "Kung naloko mo ako noon, ngayon ay hindi na. Hinding hindi na," nanggigigil na sigaw ni Matsing.

"Teka, teka, Ginoong Matsing, hindi ko kayo naiintindihan sa pinagsasasabi ninyo," ani Pagong.

"Ano? Hindi ba't ikaw ang pagong na nagtanim ng saging? Ikaw ang pagong na inihagis ko sa ilog?" sabi ni Matsing.

"Aba! Hindi po. Hindi ko po nalalaman iyon. At hindi ko rin kilala kung sino mang pagong iyong inihagis nyo sa ilog," tugon ni Pagong.

"Hindi nga ba ikaw iyong damuhong pagong na iyon?" tanong ni Matsing na pinakasipat-sipat ang hawak na pagong.

"Talaga pong hindi!" ani Pagong. "Matagal na po ako rito. Ang gawain ko po ay magbantay ng mga mapupulang bungang ito," dugtong pa ni Pagong.

"Bakit, ano ba ang mga mapupulang bungang iyan?" ang tanong ni Matsing.

"A, e, ito po ay gamot sa mata ng lola ko. Inilalagay niya po ito sa mata kapag kumakati. Pero hindi po kayo maaaring kumuha nito, para sa lola ko lamang ito,"
sabi ni Pagong.

"Makati rin ang mata ko. At sa ayaw mo't sa gusto, kukuha ako nito," ani Matsing at namitas agad ng maraming pulang sili. Piniga niya't niligis ang mga sili sa dalawang palad at kanya itong ipinahid sa kanyang mga mata.

"Kra-kra-kra..." nagtatatarang na sigaw ni Matsing pagkat halos umusok ang dalawang mata nya sa hapdi at kirot. Mainit na mainit ang mga mata niya. Kinapa-kapa ni Matsing si Pagong. Subalit wala na ito at nakalayo nang nagtatawa. Naisahan na naman ang hangal na matsing.

Maraming araw ding nangapa-ngapa ng mga bagay sa kanyang paligid si Matsing. At si Pagong naman ay malayang nakapamamasyal.

Isang araw, nasa isang bakuran si Pagong. May handaan doon at nagkakatay ng baboy. Sa malapit sa kinalalagyan ni Pagong ay may mga taong nagpapakulo ng tubig sa isang malaking kawa. Tahimik na nagmamasid-masid doon si Pagong. Nagulat siya. Bigla kasi siyang sinunggaban ni Matsing.

"Nahuli na naman kita. Niloko mo ako noon. Hinding hindi na kita paliligtasin ngayon," ang sabi ni Matsing. "Dahil sa iyo, matagal akong hindi nakakita."

"Ako po ang dahilan? Bakit po?" t
anong ni Pagong.

"E, ano pa! Hindi ba't ikaw ang Pagong na kinunan ko ng sabi mo'y gamot sa mata ng lola mo? E iyon pala'y nakabubulag," ang sabi ni Matsing.

"Aba, naku! Hindi po. Ako po'y matagal na rito sa pwesto kong ito. Ako po'y nagbabantay ng kawang iyon na paliguan ng aking nanay," ang sabi ni Pagong. Itinuro kay matsing ang tubig na kumukulo sa kawa.

"Iyang tubig na iyan ang pampaligo ng nanay mo?" manghang tanong ni Matsing.

"Opo! Pero sekreto po namin iyan. Huwag po ninyong sasabihin kahit kanino. Iyan po ang pampapula ng pisngi ng Nanay ko," paliwanag ni Pagong.

"Ibig ko ring pumula ang pisngi ko," sabi ni Matsing.

"Ay hindi po maaari ito para sa inyo. Talagang para sa nanay ko lamang po iyan," sabi ni Pagong.

"A, basta! Gusto ko ring pumula ang pisngi ko," sabi ng hangal na matsing at tumakbong mabilis at lumundag sa loob ng kawa ng kumukulong tubig. 

At doon natapos ang makulay na buhay ng hangal na matsing.

17 comments:

  1. Si Ferdinand Cos daw ang gumanap na pagong at si matsing ay si Bertson Costino, si matsing ay special child sabi ni pagong na si Ferdinand Cos

    ReplyDelete
  2. Maganda kwento ito pero walang lugar at oras nasinasabi D:

    ReplyDelete
  3. I was looking 4 dis story 4 a long time....but


    finally woohoo thanks really thanksss

    ReplyDelete
  4. Maraming salamat po sa kuwento.

    ReplyDelete
  5. Please tell with question and answer pls

    ReplyDelete
  6. wow your story is amazing its very help full thanks

    ReplyDelete
  7. ahhhhh unknown did you always reading this why you always here

    ReplyDelete
  8. Maganda ang kwento thank you sa kwento

    ReplyDelete
  9. Ano po pwede po diyan na maging pantangi at pambalana thank you

    ReplyDelete