Sinasabing sa isang maganda at mataas na bundok sa Gitnang Luzon, and Bundok Arayat, naninirahan ang isang magandang diwata. Siya ay si Mariang Sinukuan, isang mabait at makatwirang diwata. Mayroon siyang hukuman na naging sagisag ng katarungan at pag-ibig. Sa kanyang hukuman nagtutungo ang mga tao at hayop na nakatira sa Bundok Arayat upang magsumbong at humingi ng payo.
Isang araw, narinig ni Mariang Sinukuan ang taghoy ni Ibong Martines. Ipinatawag niya si Martines sa kanyang hukuman at halos madurog ang puso niya sa lungkot nang ipakita ni Martines ang sirang pugad at basag na mga itlog nito.
"Ano ang nangyari sa iyong pugad, mahal kong ibon?" tanong ni Maria kay Martines.
"Kasi po kagabi," humihikbing huni ni Martines, "biglang dumamba nang dumamba si Kabayo at natapakan ang aking pugad."
Madaling nagsiyasat ang magandang diwata at ipinatawag si Kabayo. "Bakit ka dumamba nang dumamba kagabi na ikinabasag ng mga itlog ni Martines?" tanong ni Maria nang dumating si Kabayo sa kanyang hukuman.
"Kasi po," mahinay na halinghing ni Kabayo, "nagulat ako nang biglang kumokak ng malakas si Palaka."
Ipinatawag ni Mariang Sinukuan si Palaka at tinanong, "Bakit ka biglang kumokak nang malakas kagabi na ikinagulat ni Kabayo kaya nabasag ang mga itlog ni Martines?"
"Kasi po," paos na kokak ni Palaka, "humingi lamang po ako ng saklolo dahil nakita kong dala ni Pagong ang kanyang bahay."
Agad namang ipinatawag ni Maria si Pagong. "Bakit dala mo ang bahay mo kagabi kaya natakot at kumokak si Palaka kaya dumamba si Kabayo kaya nabasag ang mga itlog ni Martines?"
"Kasi po," humihingal na paliwanag ni Pagong, "natakot akong masunog ang aking bahay dahil nakita kong palipad-lipad si Alitaptap at may dalang apoy."
Ipinatawag naman ni Maria si Alitaptap at tinanong, "Bakit may dala kang apoy kagabi kaya nagbuhat ng bahay si Pagong kaya natakot si Palaka kaya dumamba nang dumamba si Kabayo kaya nabasag ang mga itlog ni Martines?"
"Kasi po," kutitap ni Alitaptap, "kailangan kong magdala ng apoy para pananggalang laban kay Lamok na palipad-lipad at may dalang itak."
Lalong nahiwagaan si Maria sa pangyayari. Kaya agad niyang ipinatawag si Lamok. "Bakit may dala kang itak kagabi kaya nagdala ng apoy si Alitaptap kaya nagbuhat ng bahay si Pagong kaya natakot si Palaka kaya dumamba nang dumamba si Kabayo kaya nabasag ang mga itlog ni Martines?"
Hindi agad nakasagot si Lamok. Tumingin siya sa paligid at nakita niyang naghihintay ng kanyang sagot ang mga hayop sa hukuman.
"Kasi po," paputol-putol na ugong ni Lamok, "hinahanap ko si Alimango."
"At bakit naman may dala ka pang itak sa paghahanap kay Alimango?" nahihiwagaang usisa ng diwata.
"Kasi po, gusto ko pong gumanti sa ginawa niya sa akin," paliwanag ni Lamok. "Noong isang linggo bigla na lamang niya akong sinipit. Mabuti at hindi niya nasipit ang aking leeg. Pero nasugatan ang aking isang paa."
Nawala ang pagtitimpi ni Lamok at galit na galit na umugong-ugong.
"Ngayong magaling na ang aking paa, isinumpa kong hahanapin ko siya habang ako'y nabubuhay! Alam kong nagtago siya pero susuutin ko ang lahat ng butas at bitak hanggang makita ko ang taksil na si Alimango!"
Masyadong nadala si Lamok ng sama ng loob at wala sa loob na iwinasiwas ang kanyang itak. Hindi sinasadya, dumulas ang itak sa kanyang kamay at muntik nang tamaan sa ulo si Palaka.
Sa takot, napalundag at kumokak nang malakas si Palaka. Dahil nagulat, dumamba nang dumamba si Kabayo. Dala-dala ang kanyang bahay na nagtago si Pagong. Nagningas ang apoy ni Alitaptap at lumipad na dala ang pugad ni Martines.
Itinaas ng magandang diwata ng Arayat ang kanyang kamay para payapain ang lahat. Pagkatapos, itinuro niya si Lamok at nagwika, "Masyado kang marahas, Lamok. Nagulo ang aking kaharian nang dahil lamang sa sama ng iyong loob kay Alimango."
"Dapat mong malaman na ang karahasan ay nagdudulot ng kapahamakan." Pinagbawalan niyang magdala uli ito ng itak. Pagkatapos, pinayuhan niya si Martines na huwag nang gagawa ng pugad sa lupa.
Mula noon, sa ituktok ng punungkahoy na gumagawa ng pugad si Martines. Pero matatakutin pa din at malakas kumokak si Palaka. Dumadamba pa rin nang dumadamba si Kabayo kapag natatakot at dala-dala pa rin ni Pagong ang kanyang bahay. Samantala, lagi pa ring may dalang apoy si Alitaptap kapag gabi.
At ang Lamok? Matigas ang ulong hinahanap pa rin niya si Alimango at lihim na nagdadala ng itak tuwing gabi. Kung may naririnig kayong kulisap na paugong-ugong sa inyong tainga, ang Lamok iyon. Sapagkat hanggang ngayon ay hinahanap pa rin niya ang butas ng alimango na akala niya'y butas ng iyong tainga.