Thursday, August 18, 2011

Ang Kalabaw at ang Uod


"Huwag hamakin ang maliit sa atin,
Bagkus tulungan kung kakailanganin."

"Igalang natin ang karapatan ng iba,
Para naman tayo ay irespeto nila."


"Huwag mong galawin ang aking bahay. Ibig kong matulog." Pakiusap ng uod na natutulog. Ngunit lalong lumakas ang galaw ng punong-kahoy. Nakita niyang kinakaskas ng isang kalabaw ang kanyang ulo sa punong-kahoy, kaya pala ito nayuyugyog ng ganun na lamang.

"Bakit ibig mong matulog, e, maliwanag na at kay ganda-ganda ng umaga," wika ng kalabaw.

Hindi nalalaman ng kalabaw na sadyang may panahong dapat matulog ang uod ng ilang linggo bago magkaroon ng pakpak at makalipad. Noo'y kasalukuyang nananaginip sa kanyang pagtulog ang uod at umaaasang pag-gising niya'y isa na syang magandang paru-paro.

Ikinaskas na naman ng kalabaw ang ulo niyang kumakati sa punong-kahoy.

"Sinabi nang huwag akong gambalain sa aking pagkahimbing ah! Bayaan mo akong makatulog," ulit ng uod.

"At sino kang pipigil sa akin? Isang uod ka lamang!" sigaw ng kalabaw na siya pang nagagalit.

Ginalaw niya nang ginalaw ang punong-kahoy hanggang sa mahulog ang uod.

"Ngayon," sabi ng kalabaw, "diyan ka sa lupa kasama ng mga kapwa mo bulati."

"Namamali ka!" sagot ng uod. "Akala mo isa lamang akong bulati. Makikita mo at balang araw may pakpak na ako at isa na akong magandang paru-paro."

"Hindi mo ako mapaniniwala!" sagot ng kalabaw. "Tutuntungan lamang kita's patay ka na ngayon din!"

Tumadyak ang kalabaw upang pisain ang uod, ngunit ito'y nakagapang sa isang malapit na butas sa punung-kahoy. Doon siya nakatulog nang husto. Nang walang magawa ang kalabaw, hinamon na lamang ang uod.

"Lumabas ka riyan, uod. Isama mong lahat ang iyong mga pinsan at lumaban kayo sa akin!"

"Lumayas ka na kalabaw," sagot ng uod. "Bayaan mo muna akong makatulog. Humanda ka pagkatapos ng dalawang linggo, magkita tayo sa malaking parang kasama kong lahat ang mga kulisap at ibong lumilipad. Isama mong lahat ang malalaking hayop-lupa at maglalaban tayo. Araw ng Sabado pagkalipas ng dalawang linggo, magkikita tayo sa malaking parang, tandaan mo!" ulit ng uod.

Umalis na ang kalabaw at nakatulog na ang uod. Pinuntahan na ng kalabaw ang lahat ng hayop-lupa at pinagsabihan ang mga ito ukol sa nalalapit na labanan. Biyernes pa pagkalipas ng dalawang linggo, nagising na ang uod. May pakpak na at dahan-dahan itong ginalaw. Isa na siyang marikit na paru-paro. Nasalubong nya sa himpapawid ang dakilang lawin. Sinabi niya ang labanang nalalapit ng mga hayop-lupa at mga hayop na lumilipad.

Kinabukasan, Sabado. Maagang-maaga sa Malaking Parang ang kalabaw kasama ang maraming kalabaw, mga toro, baka, kabayo, aso, pusa at unggoy. Inaantay nila ang mga ibon at kulisap na kalaban.

Walang anu-ano'y dumating nang sumusugod ang malaking lawin, kasunod ang lamok, bubuyog, kuliglig, uwang, salagubang at balang.

Tinuka agad ng lawin ang malalaking hayop. Mabilis na nilibot ng balang, uwang at salagubang ang taynga at ilong ng mga malalaking hayop. Kinagat naman sila ng lamok at namantal ang buo nilang katawan.

"Ano ang sinasabi mo ngayon?" tanong ng paru-paro sa kalabaw.

"Wala na! Layas na kayo! Lipad na kayo nang malayo!" Sunod-sunod na wika ng kalabaw.

"Hindi kami lalayas!" sagot ng paru-paro. "Titigil kami rito at hindi kami uurong sa labanan!"

Unang tumakbo ang kalabaw, kasunod ang mga kasama niyang malalaking hayop na gumagalaw sa lupa. Samantalang nagdiwang sa himpapawid ang mga hayop na lumilipad.

"Maliit Man at Matindi, Daig ang Malaki"

2 comments:

  1. This story has an interesting plot, I love it!!! I was looking for a new fable to read, and I remember reading this in school once. More people should read this!!!

    ReplyDelete