Masaya ang kalabaw dahil ang akala niya ay siya na ang pinakamalaki sa lahat ng mga hayop. Minamaliit niya ang mga baka dahil sa maliit na sungay nito. Ang kabayo ay wala ring silbi dahil wala itong sungay. Ganito ang paniniwala ni Kalabaw hanggang isang araw ay nakita niya ang Tagak habang naglalakad malapit sa ilog.
"Hoy! Ikaw na mahabang leeg na tagak," wika nita. "Bakit hindi ka sumasaludo sa akin? Hindi mo ba alam na ako ang hari ng mga hayop?"
Tumawa lamang ang Tagak. "At kailan ka pa naging hari?" tanong niya. "Sino ang naghirang sa iyo?"
Ibinuka ni Kalabaw ang kanyang bibig at lumikha ng ingay na kagaya ng dumadagundong na kulog.
"Hinirang kong hari ang aking sarili. Ngayon hindi ka ba natatakot sa malaki kong boses?"
Higit na malakas ang naging tawa ni tagak. "Matakot sa iyo?" wika niya. "Bakit? Mas dapat kong hiranging hari ang aking sarili kaysa sa iyo dahil marunong akong lumipad. Tingnan mo."
Ipinagaspas ni Tagak ang kanyang pakpak at umikot-ikot ito kay Kalabaw.
Ito ay ikanagalit ni Kalabaw. "Hinahamon kita sa isang paligsahan!" Sigaw ni Kalabaw. "Hinahamon kitang uminom ng kasing dami ng kaya kong inumin."
"Tinatanggap ko ang hamon mo", tugon ni Tagak.
"Kapag natalo kita ay magpapaalipin ka sa akin," ang sabi ni Kalabaw.
"At kung ikaw naman ang matalo," wika ni Tagak, "Ikaw naman ang gagawin kong alipin."
"Sumasang-ayon ako!" sabik na wika ni Kalabaw. "Ngayon sigurado na akong magkakaroon ng alipin."
Lingid sa kaalaman ni Kalabaw at matagal na palang nagmamasid si Tagak sa paglaki at pagbaba ng tubig.
Kinabukasa, sa harap ng maraming hayop ginanap ang paligsahan. Habang ang tubig ay tumataas, sinabi ni Tagak kay Kalabaw "Ngayon uminom ka na!" at uminom nga si Kalabaw nang uminom hanggang sa mapuno at lumaki ng halos limang bariles ang kanyang tiyan. Ang tubig ay lalo pang tumataas habang siya ay umiinom.
Sa kabilang banda, habang ang tubig ay humuhupa ay nag-umpisa nang uminon si Tagak. Palibhasa ang tubig ay bumababaw na, tila bagang nauubos ni Tagak ang tubig sa ilog.
"Nakita mo na?" wika ni Tagak. "Nakuha kong inumin nang halos maubos ang tubig sa ilog na ito!"
Lahat ng hayop na nakasaksi sa paligsahan ay nagtanguan bilang pag-ayon. Ang mga hayop ay nagbunyi sa kanilang bagong hari na si Tagak.
"Mabuhay!" sigaw nila habang pasan nila si Tagak sa kanilang likuran.
"At ngayon", wika ng bagong hari, "dahil naipakita ko sa inyo kung gaano kalaki ang aking tiyan higit sa mayabang na si Kalabaw, siya ngayon ay aking magiging alipin. Mula ngayon, Kalabaw, ay dadalhin mo na ako sa iyong likod, saan ko man naising magpunta upang makalanghap ng sariwang hangin."
"Masusunod, Tagak" mapagpakumbabang wika ni Kalabaw.
Ngayon ang Tagak ay mapapansing laging nakatayo sa likod ng mga Kalabaw. Isang mapagmataas na hari sa isang alipin na higit na mataas sa kanya.