Wednesday, August 27, 2008

Iba pang Mga Kasabihan at Salawikaing Pilipino

Ang taong sinungaling

Dapat maging matandain;

Sa nilubid niyang daing

Siya’y mahahalata rin.


Ang patay ay patay na

Ang buhay ang ipinag-adya.


Ang nanghihingi, di dapat mamili.

Ang nagpapalimos lamang

Di dapat maging pihikan.


Ang tao kapag mayaman

Marami ang kaibigan;

Kung ubos na ang yaman

Kahit matagpuan sa daan

Di man batii’t ngitian.


Baboy na pagala-gala

Lama’t taba’y masama.


Bago mo sikaping gumawa ng mabuti

Kailangan mo munang ihanda ang sarili.


Bago ka magluto ay iyong alamin

Kung may nakahandang panahog at asin.


Ang batang matigas ang ulo

Ay mahirap mapanuto.


Biru-biro kung sanlan

Totoo kung tamaan.


Bahaw man daw at magaling

Daig ang bagong saing.


Buhay alamang

Paglukso patay!


Kung may itinanim

May aanihin.


Bukas kung makalipas

Sa Linggo kung makalagpas.


Kaibigan na may malasakit

Daig ang walang turing na kapatid.


Kaibigang di mautangan

Tulad ng pangal na sundang

Aanhin ko, mawala man?


Kahit anong bigat ng ating binubuhat

Kapag tulong-tulong ang mag-anak

Magaan ang pagbuhat.


Kahit paliguan ng pabango ang kambing

Di na mawawala ang anghit na angkin.


Kaya mainam ang balak

Kung makitang natutupad.


Kapag ang nauna’y tamis,

Ang nahuhuli’y pait.


Kung may hirap

May ginhawa.


Kung ano ang itinanim

Ay siyang aanihin.


Kung ano ang taas ng pagipad

Ay siyang lagapak kung bumagsak.


Kapag pinuna ang isang kiri

Ang isang iayan ay dadami.


Kung ang agos ay maingay

Ang ilog ay mababaw;

Kapag ang tubig ay matining

Ang ilog ay malalim.


Kapag may sinimpan

Ay may aasahan.


Kung sino ang matiyaga

Siyang nagtatamong pala.


Kung ang kaibigan mo ay uliran

Huwag pagsasamantalahan.


Kung ikaw ay napakalambot

Ay mapipilit kaagad;

Kung ikaw nama’y tuyot

Ay mababakli agad.


Kung magagawa at di gawin

Di na magagawa kung iibigin.


Kung aakyat ka nga’t mahuhulog naman

Mabuting sa lpa’y mamulot na lamang

Kung mamumulot nga’t pupuluti’y laglag

Mabuti na ang ako’y umakyat.


Kung sa langit nabubuhay

Ang sa lupang pumapanaw;

Ano at katatakutan

Ang oras ng kamatayan?


Damit na hiniram mo lamang

Kung hindi masikip ay maluwag.


Di ka sukat maniwala

Sa tabil ng mga dila,

Kung patag man ang lupa

Sa ilalim ay may lungga.


Kung ibig ang karunungan

Habang bata ay mag-aral;

Kung tumanda’y mag-aral man

Mahirap nang makaalam.


Di lamang sinaing sa kalan

Ang nasusupok kung minsan;

Ang labis mang pagmamahal

Nakasusupok din naman.


Gaano man ang tibay

Ng piling abaka

Ay wala ring lakas

Kapag nag-iisa.


Habang ika’y walang bagwis

Magtiis kang mangaligkig;

Kung tubuan na ng pakpak

Saka ka na lumipad.


Hindi man magsalita at magbadya

Sakilos nakikilala.


Huwag kang mangahas umibig

Sa hindi mo kakilatis;

Kung datnan ka ng panganib

Siya’y di mo magagamit.


Huwag kang humagis

Nang hindi ka hagisin;

Ang masama sa iyo

Sa iba’y gayon din.


Huwag maghinanakit kung mapahamak man

Nang dahil sa isang itinuring mong kaibigan;

Iyong tandaan: Walang sumisira sa bakal, kundi ang kalawang.


Huwag nagpakadalas sa pagpanhik sa kapitbahay

At baka ka kasuyaan at tuloy kayamutan.


Huwag mong hatulan ang isang aklat

Sa pamamagitan ng kanyang pabalat.


Iba na ang may ay-ay sa wala.

(Iba na ang may natipon kaysa sa bulagsak.)


Iba ang natutuhan

Kaysa pinagaralan.


Itinatanong ay kamote

Isinasagot ay gabi.


Iyong sabihin ang kasa-kasama mo

At aking tuturan kung ikaw ay sino.


Lumipad man nang lumipad

Sa lupa ka rin lalagpak

At kung sawiin kang palad,

Sa paghulo ay lagapak!


Mayaman ka ma’t marikit

Mabuti sa pananamit,

Kung walang sariling bait

Walang halagang gahanip.


Lumilipas an kagandahan

Ngunit hindi ang kabaitan.


Mabisa ang pakiusap na malumanay

Kaysa utos na pabulyaw.


Mabuti pa ang munting akin

Kaysa malaki nga ay habilin.


Mabuti pa ang maliit na dampa

Kaysa magarang gusali na nakasangla.


Mabuti ang isang ibinibigay na

Kaysa dalawang ipinagpapabukas pa.


Mabuti na ang matanong kahit makalawa

Kaysa maligaw ka ng landas mong iisa.


Mabuti pa ang nag-iisa

Kaysa may masamang kasama.


Malaki man at buhaghag

Daig ng munting siksikan.


Malayo man at ibig

Daig ang malapit.


Mapipilit ang maramot

Ang hindi’y walang sinop.


Mayroon an o wala man

Matuto kang mag-arimunan;

Kung dumating ang tag-salat

Magluwag ka’t siyang dapat.


Matitiis ang hapdi

Ang kati ay hindi.


Munti man ang gusi

Kung buo’t matibay,

Daig ang malaking

Basag na tapayan.


Nangangako ng mahigpit

Samantalang nasa kagipitan;

Nang lumuwag na ang lagay

Ang pangako’y nalimutan.


Madali pa ngang gisingin

Ang tulog na nahihimbing

Kaysa iyong pupukawin

Ang talaga namang gising.


Magdalita ka nga, niyog

Huwag kang magpapakatayog,

Kung ang uwang ang umok-ok

Mauubos pati ubod.


Magpala ka sa magnanakaw

Ikaw ang pagnanakawan.


Pag ang anyaya ay tapat

Sinasamahan ng batak.


Pag ikaw ay nagparaan

Pararaanin ka naman.


Nang maapo ang langaw

Sa sungay ng kalabaw

Sa sarili ang palagay

Mataas pa sa kalabaw.


Pag-ibig anaki’y aking nakilala

Di dapat palakhin ang bata sa saya

At sa katuwaa’y kapag namihasa

Kung lumaki’y walang hihinting ginhawa.


Pag ang bata’y barumbado

Tumanda ma’y tarantado.


Pag madaling tinipon

Madali ring matatapon.


Papuri sa harap

Sa likod ay paglibak.


Sa alitan ng magkakapatid

Ay huwag kang makisali;

Kapag sila’y magkasundo

Galit sa iyo ang mananatili.


Sa bawat pagsikat ng araw

May pag-asa kang matatanaw.


Sa biruan nagmumula

Ang alitang malulubha;

Titis kasi palibhasa

Ang lumilikha ng siga.


Saan mang gubat ay may ahas.


Sa kapipili, natapat sa bungi.


Taga-ingat lihim ay puso at budhi;

Pintuan ay labi; at dila ang susi.


Taong masalita kulang sa gawa.


Tumutulong ang Diyos

Sa tumutulong sa kanyang sarili.


Umiwas ka sa kasamang

Walang hatol na maganda;

At nang hindi ka mahawa

Sa masamang gawa niya.


Walang mayama’t ginhawa

Na di nanghingi sa iba;

Sa mndo’y walang taong

Mabubuhay na mag-isa.


Walang umaani ng tuwa

Na hindi sa hirap nagmula.


Walang bundok na mataas

Na di sa lindol natibag;

Walang pusong sakdal-tigas

Na di sa luha nabagbag.


Walang nangyayari sa balat ng lupa

Nang di may kagalingang Diyos ang may nasa.


Walang panalanging di diringgin,

Walang pagkakamaling di patatawarin,

Kung ang pananalig ay lubos at taimtim.

No comments:

Post a Comment