Saturday, February 18, 2012

Ang Hukuman ni Mariang Sinukuan


Sinasabing sa isang maganda at mataas na bundok sa Gitnang Luzon, and Bundok Arayat, naninirahan ang isang magandang diwata. Siya ay si Mariang Sinukuan, isang mabait at makatwirang diwata. Mayroon siyang hukuman na naging sagisag ng katarungan at pag-ibig. Sa kanyang hukuman nagtutungo ang mga tao at hayop na nakatira sa Bundok Arayat upang magsumbong at humingi ng payo.

Isang araw, narinig ni Mariang Sinukuan ang taghoy ni Ibong Martines. Ipinatawag niya si Martines sa kanyang hukuman at halos madurog ang puso niya sa lungkot nang ipakita ni Martines ang sirang pugad at basag na mga itlog nito.

"Ano ang nangyari sa iyong pugad, mahal kong ibon?" tanong ni Maria kay Martines.

"Kasi po kagabi," humihikbing huni ni Martines, "biglang dumamba nang dumamba si Kabayo at natapakan ang aking pugad."

Madaling nagsiyasat ang magandang diwata at ipinatawag si Kabayo. "Bakit ka dumamba nang dumamba kagabi na ikinabasag ng mga itlog ni Martines?" tanong ni Maria nang dumating si Kabayo sa kanyang hukuman.

"Kasi po," mahinay na halinghing ni Kabayo, "nagulat ako nang biglang kumokak ng malakas si Palaka."

Ipinatawag ni Mariang Sinukuan si Palaka at tinanong, "Bakit ka biglang kumokak nang malakas kagabi na ikinagulat ni Kabayo kaya nabasag ang mga itlog ni Martines?"

"Kasi po," paos na kokak ni Palaka, "humingi lamang po ako ng saklolo dahil nakita kong dala ni Pagong ang kanyang bahay."

Agad namang ipinatawag ni Maria si Pagong. "Bakit dala mo ang bahay mo kagabi kaya natakot at kumokak si Palaka kaya dumamba si Kabayo kaya nabasag ang mga itlog ni Martines?"

"Kasi po," humihingal na paliwanag ni Pagong, "natakot akong masunog ang aking bahay dahil nakita kong palipad-lipad si Alitaptap at may dalang apoy."

Ipinatawag naman ni Maria si Alitaptap at tinanong, "Bakit may dala kang apoy kagabi kaya nagbuhat ng bahay si Pagong kaya natakot si Palaka kaya dumamba nang dumamba si Kabayo kaya nabasag ang mga itlog ni Martines?"

"Kasi po," kutitap ni Alitaptap, "kailangan kong magdala ng apoy para pananggalang laban kay Lamok na palipad-lipad at may dalang itak."

Lalong nahiwagaan si Maria sa pangyayari. Kaya agad niyang ipinatawag si Lamok. "Bakit may dala kang itak kagabi kaya nagdala ng apoy si Alitaptap kaya nagbuhat ng bahay si Pagong kaya natakot si Palaka kaya dumamba nang dumamba si Kabayo kaya nabasag ang mga itlog ni Martines?"

Hindi agad nakasagot si Lamok. Tumingin siya sa paligid at nakita niyang naghihintay ng kanyang sagot ang mga hayop sa hukuman.

"Kasi po," paputol-putol na ugong ni Lamok, "hinahanap ko si Alimango."

"At bakit naman may dala ka pang itak sa paghahanap kay Alimango?" nahihiwagaang usisa ng diwata.

"Kasi po, gusto ko pong gumanti sa ginawa niya sa akin," paliwanag ni Lamok. "Noong isang linggo bigla na lamang niya akong sinipit. Mabuti at hindi niya nasipit ang aking leeg. Pero nasugatan ang aking isang paa."

Nawala ang pagtitimpi ni Lamok at galit na galit na umugong-ugong.

"Ngayong magaling na ang aking paa, isinumpa kong hahanapin ko siya habang ako'y nabubuhay! Alam kong nagtago siya pero susuutin ko ang lahat ng butas at bitak hanggang makita ko ang taksil na si Alimango!"

Masyadong nadala si Lamok ng sama ng loob at wala sa loob na iwinasiwas ang kanyang itak. Hindi sinasadya, dumulas ang itak sa kanyang kamay at muntik nang tamaan sa ulo si Palaka.

Sa takot, napalundag at kumokak nang malakas si Palaka. Dahil nagulat, dumamba nang dumamba si Kabayo. Dala-dala ang kanyang bahay na nagtago si Pagong. Nagningas ang apoy ni Alitaptap at lumipad na dala ang pugad ni Martines.

Itinaas ng magandang diwata ng Arayat ang kanyang kamay para payapain ang lahat. Pagkatapos, itinuro niya si Lamok at nagwika, "Masyado kang marahas, Lamok. Nagulo ang aking kaharian nang dahil lamang sa sama ng iyong loob kay Alimango."

"Dapat mong malaman na ang karahasan ay nagdudulot ng kapahamakan." Pinagbawalan niyang magdala uli ito ng itak. Pagkatapos, pinayuhan niya si Martines na huwag nang gagawa ng pugad sa lupa.

Mula noon, sa ituktok ng punungkahoy na gumagawa ng pugad si Martines. Pero matatakutin pa din at malakas kumokak si Palaka. Dumadamba pa rin nang dumadamba si Kabayo kapag natatakot at dala-dala pa rin ni Pagong ang kanyang bahay. Samantala, lagi pa ring may dalang apoy si Alitaptap kapag gabi.

At ang Lamok? Matigas ang ulong hinahanap pa rin niya si Alimango at lihim na nagdadala ng itak tuwing gabi. Kung may naririnig kayong kulisap na paugong-ugong sa inyong tainga, ang Lamok iyon. Sapagkat hanggang ngayon ay hinahanap pa rin niya ang butas ng alimango na akala niya'y butas ng iyong tainga.

Thursday, February 16, 2012

Ang Mag-Asawang Daga

Photo Credit: http://mikerbaker.com/knack/?p=243

May mag-asawang daga na itinuturing na pinakamayaman sa kanilang lugar. Nagkaroon sila ng isang napakagandang anak na kanilang lubos na ipinagmamalaki sa buong madla, kaya naman maraming nanliligaw at ibig magpakasal dito.

"Napakaganda ng ating anak. At ang gusto kong mapangasawa niya ay ang pinakamagaling sa lahat ng  bagay. Hindi isang daga lamang na katulad natin," ang wika ng Amang Daga.

Agad na tinungo ng mag-asawa si Araw. Dahil sa akalang ito ang pinakamagaling, tinanong nila ito kung pwedeng pakasalan ang anak.

"Hindi ako ang pinakamagaling sa langit kundi si Ulap dahil naikukubli niya ang mukha ko," ang paliwanag ni Araw. Kung kaya tinungo ng mag-asawang daga si Ulap.

"May mas nakahihigit sa akin. Siya ang pinakamalakas dahil naitataboy niya ako. Siya ay si Hangin," ang tugon naman ni Ulap. At sumunod namang tinungo ng mag-asawa si Hangin.

Nang kanilang makaharap si Hangin, nagwika ito nang, "Hindi ako ang pinakamagaling. Dahil anumang oras ay mapapahinto ako ni Dingding."

Dahil sa akalang pinakamagaling at pinakamalakas si Dingding, dali-dali silang nagtungo dito. "Naku, kung sa akala ninyong pinakamagaling at pinakamalakas ako, nagkakamali kayo. Dahil anumang oras ay kayang-kaya akong ngatngatin at sirain ninyong mga Daga."

Nang malaman ito nang mag-asawang daga, masaya silang umuwi sa kanilang tahanan. Sabi nang Amang Daga, "Hindi ko akalain na tayo pala ang pinakamagaling at pinakamalakas sa lahat. Nagyon ay ipapakasal ko ang ating anak sa katulad nating daga."

At idinaos ang pinakamasaya at pinakamarangyang kasal sa kaharian ng lungga.

Wednesday, January 25, 2012

Ang Tagak at Ang Kalabaw

Image Courtesy of http://www.flickr.com/photos/sir_mervs/4013172389/
Masaya ang kalabaw dahil ang akala niya ay siya na ang pinakamalaki sa lahat ng mga hayop. Minamaliit niya ang mga baka dahil sa maliit na sungay nito. Ang kabayo ay wala ring silbi dahil wala itong sungay. Ganito ang paniniwala ni Kalabaw hanggang isang araw ay nakita niya ang Tagak habang naglalakad malapit sa ilog.

"Hoy! Ikaw na mahabang leeg na tagak," wika nita. "Bakit hindi ka sumasaludo sa akin? Hindi mo ba alam na ako ang hari ng mga hayop?"

Tumawa lamang ang Tagak. "At kailan ka pa naging hari?" tanong niya. "Sino ang naghirang sa iyo?"

Ibinuka ni Kalabaw ang kanyang bibig at lumikha ng ingay na kagaya ng dumadagundong na kulog.

"Hinirang kong hari ang aking sarili. Ngayon hindi ka ba natatakot sa malaki kong boses?"

Higit na malakas ang naging tawa ni tagak. "Matakot sa iyo?" wika niya. "Bakit? Mas dapat kong hiranging hari ang aking sarili kaysa sa iyo dahil marunong akong lumipad. Tingnan mo."

Ipinagaspas ni Tagak ang kanyang pakpak at umikot-ikot ito kay Kalabaw.

Ito ay ikanagalit ni Kalabaw. "Hinahamon kita sa isang paligsahan!" Sigaw ni Kalabaw. "Hinahamon kitang uminom ng kasing dami ng kaya kong inumin."

"Tinatanggap ko ang hamon mo", tugon ni Tagak.

"Kapag natalo kita ay magpapaalipin ka sa akin," ang sabi ni Kalabaw.

"At kung ikaw naman ang matalo," wika ni Tagak, "Ikaw naman ang gagawin kong alipin."

"Sumasang-ayon ako!" sabik na wika ni Kalabaw. "Ngayon sigurado na akong magkakaroon ng alipin."

Lingid sa kaalaman ni Kalabaw at matagal na palang nagmamasid si Tagak sa paglaki at pagbaba ng tubig.

Kinabukasa, sa harap ng maraming hayop ginanap ang paligsahan. Habang ang tubig ay tumataas, sinabi ni Tagak kay Kalabaw "Ngayon uminom ka na!" at uminom nga si Kalabaw nang uminom hanggang sa mapuno at lumaki ng halos limang bariles ang kanyang tiyan. Ang tubig ay lalo pang tumataas habang siya ay umiinom.

Sa kabilang banda, habang ang tubig ay humuhupa ay nag-umpisa nang uminon si Tagak. Palibhasa ang tubig ay bumababaw na, tila bagang nauubos ni Tagak ang tubig sa ilog.

"Nakita mo na?" wika ni Tagak. "Nakuha kong inumin nang halos maubos ang tubig sa ilog na ito!"

Lahat ng hayop na nakasaksi sa paligsahan ay nagtanguan bilang pag-ayon. Ang mga hayop ay nagbunyi sa kanilang bagong hari na si Tagak.

"Mabuhay!" sigaw nila habang pasan nila si Tagak sa kanilang likuran.

"At ngayon", wika ng bagong hari, "dahil naipakita ko sa inyo kung gaano kalaki ang aking tiyan higit sa mayabang na si Kalabaw, siya ngayon ay aking magiging alipin. Mula ngayon, Kalabaw, ay dadalhin mo na ako sa iyong likod, saan ko man naising magpunta upang makalanghap ng sariwang hangin."

"Masusunod, Tagak" mapagpakumbabang wika ni Kalabaw.

Ngayon ang Tagak ay mapapansing laging nakatayo sa likod ng mga Kalabaw. Isang mapagmataas na hari sa isang alipin na higit na mataas sa kanya.